Calendar
Kabataang magra-riot sa Simbang Gabi, sa Boystown magpa-Pasko at Bagong Taon
BINALAAN ni Manila Department of Social Welfare (MDSW) chief Director Jay Dela Fuente ang mga kabataang mahuhuling makikipag-rambulan o lalahok sa riot bago o matapos dumalo sa Simbang Gabi.
Ayon kay Dela Fuente, titiyakin niya na sa Boystown sa Marikina City magpapasko at magbabagong taon ang mga kabataang mapapatunayang sangkot sa pakikipag-rambulan sa labas ng simbahang pinagdarausan ng Simbang Gabi, bukod sa pananagutin din nila ang magulang o guardian ng mga makikipag-riot na kabataan.
Sinabi pa ng hepe ng MDSW na batay sa inilabas na Executive Order No. 2 ni Mayor Isko Moreno, magtatalaga sila ng mga tauhan at mga behikulo sa ilang mga simbahang ddinadagsa at pinagdarausan ng misa upang bantayan ang mga kabataan na maaaring gumawa ng hindi tama at nakakaapekto sa taimtim na pagdarasal ng mga deboto.
Ang banta ni Director Dela Fuente ay bunga ng nangyaring rambulan at batuhan ng molotov bomb ng dalawang grupo ng kabataan sa Mabini Bridge sa may Lacson Avenue, Sampaloc, Manila Martes ng madaling araw na sinundan ng riot din ng mga kabataan Miyerkules ng madaling araw sa harap naman ng isang simbahan sa Gagalangin, Tondo.
Parehong nahagip ng kuha ng CCTV ang dalawang magkahiwalay na insidente ng riot kung saan lumikha pa ng malaking apoy sa lansangan ang ibinatong mga Molotov bomb sa Lacson Avenue habang nakaapekto naman sa mga nagsisimba ang inihagis na smoke bomb ng mga nag-riot sa Tondo.

