Calendar
19,18, 16 anyos sinita, binoga sa pagtambay sa kalsada, bulagta
TODAS ang tatlong magkakaibigan edad 19, 18 at 16 matapos pagbabarilin umano ng isang lalaki na sumita sa kanila dahil sa pagtambay sa kalsada sa Bgy. Batasan Hills, Quezon City, madaling-araw nitong Lunes.
Arestado ang 38-anyos na suspek na alyas “Vin” matapos ang follow-up operation ng mga tauhan ng Batasan Police Station 6.
Batay sa paunang imbestigasyon, nangyari ang insidente alas dos ng madaling araw, nagkukuwentuhan umano ang tatlong magkakaibigan kasama ang ilang iba pa sa kahabaan ng Senatorial Street da Bgy. Batasan Hills nang dumaan ang suspek na sakay ng motorsiklo at umano’y nakainom ng alak.
Sinaway umano ng suspek ang grupo dahil sa pagtambay sa kalsada, ngunit nagalit ito nang sagutin siya ng pabalang ng mga biktima.
Bumunot umano ng baril ang suspek at tinutukan ang grupo kaya nagtakbuhan ang mga ito patungo sa Batasan-San Mateo Road.
Hinabol umano ng suspek ang mga biktima sakay ng motorsiklo hanggang sa isang eskinita kung saan niya sila naabutan at pinagbabaril bago tumakas.
Nakumpiska sa operasyon ang isang pulang Honda ADV 160 motorsiklo at isang kalibre .38 na rebolber na may limang basyo ng bala at isang bala.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong murder sa Quezon City Prosecutor’s Office.
