Calendar
Mga pekeng PWD ID, mabubuko sa Paranaque dahil sa kanilang na HELP Center
BINALAAN ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez ang mga gumagamit pa rin ng pekeng PWD (person with disability) identification card (ID) dahil mabubuko na sila sa makabagong HELP Citizen Card ng lokal na pamahalaan.
Sa kabila ng babala ng alkalde, pinaalalahanan naman niya ang mga establisimiento na igalang at huwag ipagkait ang mga benepisyo sa mga lehitimong cardholder ng PWD ID dahil nakapaloob ito sa ilalim ng R.A. 10754 na inamiyendahan ng R. A. 7277 o ang Magna Carta for Persons with Disability.
Binigyang diin pa ni Mayor Olivarez na maaari na ngayong suriin ng mga establisimiento kung peke o tunay ang PWD ID sa kanilang HELP Center habang puwede rin namang magreklamo ang mga humahawak ng balidong ID kung hindi sila bibigyan ng 20% diskuwento at exemption sa value-added tax sa mga angkop at sakop na produkto at serbisyo.
Ilan sa mga sakop ng batas kaugnay sa pagbibigay ng diskuwento ang pagbili ng gamot, serbisyong dental at medical, transportasyon,, at mga pangunahing produkto at pagkaing sakop ng benepisyo.
Inilabas ng alkalde ang babala kasunod ng ulat ng Department of Justice (DOJ) aabot na umano sa anim na milyon ang mga pekeng PWD ID sa buong bansa, na nagdulot ng pangamba sa umano’y maling paggamit ng mga pribilehiyong nakalaan para sa mga taong may kapansanan.

