Calendar
Nailigtas ng National Bureau of Investigation (NBI), sa pamamagitan ng Human Trafficking Division (NBI-HTRAD), ang dalawang biktima ng online exploitation sa Misamis Oriental at Quirino.
2 biktima ng online exploitation nasagip ng BI
NAILIGTAS ng National Bureau of Investigation-Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) ang dalawang babae na biktima ng pang-aabuso sa Misamis Oriental at Quirino.
Sa unang operasyon, nailigtas ng NBI-Northeastern Mindanao Regional Office (NBI-NEMRO noong Agosto 17 ang isang babaeng natukoy na biktima ng pang-aabusong sekswal at pagsasamantala sa bata.
Gumamit ang imbestigasyon ng open-source intelligence, digital tracing at pag-a-cross-check ng mga social media account upang matukoy ang pagkakakilanlan at kasalukuyang lokasyon ng biktima.
Inihayag ng nailigtas na kinunan siya ng mga larawang kita ang kanyang pribadong bahagi at ipinakalat ang mga ito online ng isang dayuhang naging kasintahan niya noong panahong iyon.
Sa ikalawang operasyon, nagsagawa ang NBI-HTRAD ng physical surveillance noong Agosto 19 kasunod ng kahilingan para sa tulong mula sa UK National Crime Agency (UK NCA) at nagresulta sa pagsagip sa isang menor-de-edad na biktima.
Kinasasangkutan ng isang Briton ang kaso ng menor-de-edad na kalaunan ay inilagay sa ilalim ng kustodiya ng MSWDO para sa wastong pangangalaga, proteksyon at naaangkop na interbensyon.
Ayon sa NBI, ipinapakita ng mga operasyon ang kahalagahan ng patuloy na imbestigasyon at pagsusuri ng kaso.
Kinikilala rin ng NBI ang tulong ng FBI, UK NCA, National Center for Missing & Exploited Children, MSWDO ng Manticao, Misamis Oriental, MSWDO ng Diffun, Quirino at ang Justice Reigns at Just Philippines Project sa mga pagsisikap na ito.

