Calendar
2 duguang kutsilyo, martilyo nakita malapit sa kinatay na lolo
PATAY ang isang 68-anyos na lalaki matapos saksakin sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Commonwealth, Quezon City, nitong Martes ng hapon nakunan naman ng CCTV ang suspek na tumatakas na may hawak na kutsilyo at duguan ang kamay.
Ayon sa report ng Quezon City Police District (QCPD), natagpuan ang biktima ng kanyang asawa at apo dakong alas-2:02 ng hapon noong Oktubre 6.
Pag-uwi ng asawa ng biktima, nakita niyang bukas ang gate at may bahid ng dugo sa sahig.
Sa likurang bahagi ng bahay natagpuan ang duguang katawan ng biktima na nakahandusay sa lupa.
Humingi sila ng tulong sa mga kapitbahay at isinugod ang biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival dakong alas-2:57 ng hapon.
Sa paunang pagsusuri, nagtamo ang biktima ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nagsagawa rin ng scene processing ang SOCO team ng QCPD Forensic Unit at nakarekober ng dalawang kitchen knife na parehong 14 pulgada ang haba, isang sirang kutsilyo na may brown leather handle at may habang 11 pulgada, at isang martilyo na may habang 15 pulgada.
Pawang may bahid umano ng dugo ang mga nakuhang kagamitan.
Samantala, agad na ni-review ng mga imbestigador ang CCTV sa bahay ng biktima. Napag alaman na dakong alas-1:49 ng hapon ay huling nakitang buhay ang biktima sa sala.
Dakong alas-2:02 ng hapon, nakita namang pumasok sa kanilang bahay ang isang lalaking pamilyar sa pamilya at kalaunan ay nakilalang kanilang kapitbahay.
Makalipas lamang ang isang minuto, o dakong alas-2:03 ng hapon, nakita umano sa CCTV ang lalaki na may hawak na kitchen knife at may dugo sa kanyang mga kamay at shorts.
May isa ring saksi na nakakita umano sa suspek na may kutsilyo sa likuran at may dugo sa dalawang kamay.
Sinubukan umano ng suspek na hugasan ang dugo sa kanyang katawan. Nang komprontahin ng nasabing saksi, sinabi umano nitong aksidente lamang siyang nadulas.
Pagkatapos nito, sumakay umano ang suspek sa isang motorsiklo at tumakas patungong Commonwealth Avenue.
Patuloy ang hot-pursuit operation ng mga operatiba ng CIDU para sa posibleng pagkakaaresto sa suspek.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at follow-up operation.

