2 holdaper arestado

142 Views

ARESTADO ang dalawang holdaper sa Maynila sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District.

Kinilala ang mga naaresto na sina Mark Gil Concepcion, 32, at Analdo Ebores, 42, kapwa residente ng Manila City.

Ayon sa ulat ng pulisya, alas-12:50 ng umaga noong Huwebes, Nobyembre 17, hinihintay ng biktimang si Diem Garcia ang kanyang live-in partner sa sidewalk sa kanto ng Cordillera St. at Bayani St. Brgy. San Isidro, Quezon City, nang dumating ang mga suspek na nakasakay sa isang motorsiklo.

Tinutukan umano ng baril ng mga suspek ang biktima kaya hindi na ito nakapalag ng kunin ang kanyang cellphone.

Nakita umano ng live-in partner ng biktima ang pangyayari at sinundan nito ang mga suspek na pumunta sa bahay ni Concepcion.

Humingi ang mag-live-in partner ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang kalibre .38 revolver na may apat na bala, motorsiklo, at ang cellphone ng biktima.