2 HVT, 4 pang suspek laglag, P748K droga nasamsam sa CL

Bernard Galang Nov 12, 2025
231 Views

CAMP Olivas, Lungsod ng San Fernando, Pampanga — Patuloy na pinaigting ng mga pulis sa Central Luzon ang kanilang anti-kriminalidad na operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng anim na suspek, kabilang ang mga high-value target, at pagkakakumpiska ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P748,000, ayon kay PRO3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr.

Sa Lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan, dalawang suspek ang naaresto dakong 12:30 a.m. noong Nobyembre 11 sa Barangay Muzon South dahil sa iligal na sugal at paglabag sa batas laban sa ipinagbabawal na gamot.

Narekober sa kanila ang P1,050 na perang pantaya, tatlong barya na ginagamit sa sugal, at walong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 15 gramo na nagkakahalaga ng P102,000.

Ang City Drug Enforcement Unit (CDEU) ay nakahuli ng tatlong indibidwal, kabilang ang isang high-value target, sa isang buy-bust operation sa Barangay Minuyan Proper kung saan nasamsam ang 35 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P238,000.

Sa isa pang operasyon, ang mga tauhan ng Talavera Police sa Nueva Ecija, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Region 3, ay nakadakip din ng isang high-value individual sa Barangay San Miguel na Munti. Nakumpiska mula sa kanya ang 60 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P408,000.

Pinuri ni Peñones Jr. ang mga pulis ng Bulacan at Nueva Ecija sa kanilang matagumpay na operasyon at sinabing ipinapakita nito ang matatag na paninindigan ng PRO3 na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ilalim ng PNP’s Enhanced Managing Police Operations (EMPO) program.