Iranian

2 Iranian huli sa Caloocan sa pag ‘salisi’ sa pera tindero ng isda, gulay

Edd Reyes Jan 26, 2026
169 Views

TIMBOG ang dalawang Iranian national na tumangay sa salapi ng tindero ng isda at gulay nang masukol ng pulisya sa follow-up operation sa Caloocan City.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nangyari ang insidente Sabado ng alas-5:30 ng hapon nang lapitan ng isa sa dayuhan ang 35-anyos na vendor na abala sa pagtitinda sa Reparo Road, Brgy. 161 at nagtanong sa wikang English ng tungkol sa salapi ng bansa.

Upang ipamalas ang magandang pakikitungo, ipinakita ng biktima ang salapi sa loob ng bag at hinayaan pang kunin ng suspek ang kanyang bag pero nang ibalik ay wala na ang P7,000 kaya’t hinabol niya ang patakas ng dayuhan, kasama ang hiningan ng tulong na opisyal ng barangay..

Nabigong abutan ang suspek nang sumakay sa naghihintay na sasakyang minamaneho ng kasabuwat kaya’t humingi ng tulong ang vendor sa Sta Quiteria Police Sub-Station na agad ding nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek sa bahagi na ng Baesa sa naturang lungsod.

Nabawi sa 50-anyos na Iranian ang kinulimbat na pera ng biktima na kabilang sa nakumpiskang iba’t-ibang uri ng lokal at dayuhang salapi habang na-impound din ang ginamit nilang sasakyan sa pagtakas na minaneho ng 25-anyos niyang kababayan.

“This incident shows that when the public and the police work together, criminals have little room to escape. Hindi natin hahayaang masayang ang pinaghirapan ng ating mga kababayan,” pahayag naman ni PNP Acting Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. nang makarating sa kaalaman ang nangyari.