Calendar
2 miyembro ng frat naghagis ng granada sa apartelle, tinutugis
TINUTUGIS na ng pulisya ang dalawang miyembro ng fraternity na naghagis ng granada sa isang apartelle noong Huwebes sa Caloocan City.
Sinimulan ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang pagtugis kina alyas “Tugu” at alyas “Bodoy Liit”, 26, matapos positibo silang kinilala ng nakasaksi na kawani ng Fhiolan Apartelle na nasa kanto ng M.H. Del Pilar at 2nd Avenue, Brgy. 120.
Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, alas-2:30 ng madaling araw nang dumating ang mga suspek na sakay ng isang motorsiklo at inihagis ang dalang granada sa parking lot na malapit sa harap ng apartelle bago mabilis na tumakas.
Tinamaan ng sharpnel ang daliri sa kaliwang kamay ng kaherang si alyas “Bhesy” na isinigod kaagad sa pagamutan habang apat na nakaparadang sasakyan din sa parking lot ang nahagip ng sharpnel.
Bago ang insidente, napagalaman na pinagbabato muna ng bote ng mga suspek ang apartelle kayat inatasan ng may-ari nito na si alyas “Aniceto” ang mga kawani na maging mapagbantay.
Napagalaman ng pulisya na “frat war” ang motibo sa insidente dahil miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity si alyas Aniceto habang sa kalabang Magic 5 Fraternity ang dalawang suspek.
Ayon sa pulisya, noong nakaraang buwan ay pinagbabato rin ng bote ng mga suspek ang fire truck na pag-aari ni alyas Aniceto sa J. Theodoro St. Brgy. 120.

