Calendar
LTFRB naglabas ng SCO sa 21 operator ng mga ‘pasaway’ na bus, UV Express
NAGLABAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ng 21 Show Cause Order (SCO) laban sa mga operator ng pampasaherong bus at UV Express sa pinaigting na operasyon sa Metro Manila.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg G. Pua, Jr., kabilang sa tinututukan ang mga driver ng bus na lumalabag sa mga patakaran sa EDSA Busway at mga operator na nagpapabiyahe ng sira at mabahong UV Express.
“May mga itinakdang kondisyon na obligadong sundin ng mga operator ng PUV. Lahat ng ito ay nakatuon sa kaligtasan sa kalsada at propesyonalismo sa pampublikong transportasyon,” ani Pua.
“May pananagutan ang mga pinipiling labagin o balewalain ang mga kondisyong ito, at ito ang ginawa ng LTFRB sa kaso ng 21 operator ng bus at UV Express,” dagdag niya.
Kabilang sa operasyon ang covert operations sa pamamagitan ng pag-deploy ng Mystery Riders sa EDSA Busway Carousel upang matukoy ang mga driver na sadyang nagpapabagal ng biyahe.
Tinututukan din ng LTFRB enforcement team sa ilalim ni Atty. Sherwin Visconde ang modus na “push and pull,” kung saan sinasadyang bagalan ang mga bus upang maiwasan ang pagsisiksikan o pagbuo ng kumpol-kumpol na bus sa mga istasyon, gayundin ang mahigpit na pagpapatupad ng 30-second rule.
Ilang SCO rin ang inilabas kaugnay ng mga paglabag sa EDSA Busway, kabilang ang pagkakahuli sa dalawang driver at isang conductor na aktong naninigarilyo sa loob ng sasakyan.
Samantala, ilang operator ng UV Express ang pinadalhan din ng SCO dahil sa pagpapabiyahe ng sirang unit, partikular sa mga rutang Bulacan-Metro Manila, batay sa mga reklamo ng mga pasahero.
Kabilang sa mga naitalang problema ang hindi gumaganang air-conditioning, kupas na pintura, sirang upuan at hindi kanais-nais na amoy sa loob ng sasakyan.
Sa mga inilabas na SCO, inatasan ang mga operator na ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanilang prangkisa dahil sa mga paglabag.
Hinimok naman ni Acting Chairman Pua ang lahat ng operator ng PUV na tiyaking nasusunod ang mga itinakdang kondisyon para sa ligtas at komportableng biyahe upang maiwasan ang mga multa at iba pang parusa.
“Magkaisa tayo upang higit pang mapabuti, gawing makabago at mas propesyonal ang ating pampublikong transportasyon, na tunay na nararapat sa bawat Pilipinong commuter,” aniya.

