Tsino

2 pekeng Pilipino buking na Chinese nat’ls dinampot

Jun I Legaspi Mar 13, 2026
117 Views

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese nationals sa Iligan City matapos magpanggap bilang mga Pilipino at kumuha ng mga Philippine-issued identification documents gamit ang mga pekeng pangalan.

Isinagawa ang operasyon ng BI Mindanao Intelligence Task Group (MITG) noong Marso 4 sa Iligan City, Lanao del Norte, katuwang ang Philippine Army at Iligan City Police.

Nakilala ang mga suspek na sina Baogui Xu, 53, at Lizun Cai, 50, kapwa Chinese nationals na nahuling gumagamit ng mga pekeng Filipino identities. Si Cai ay gumamit ng pangalang “Mia Chua Co”, habang si Xu naman ay gumamit ng pangalang “Stanny Co.”

Batay sa ulat ng BI Intelligence Division, inamin ni Cai na gumamit siya ng mga dokumentong Pilipino at kalaunan ay ipinakita ang kanyang Chinese passport at Alien Certificate of Registration Identity Card.

Gayundin, ipinakita ni Xu ang kanyang Chinese passport at Alien Registration Card, kung saan nakumpiska ang iba’t ibang identification cards na nakapangalan sa kanyang pekeng Filipino identity, kabilang ang driver’s license, BIR tax identification card, at Philippine Postal ID.

Ang dalawa ay inaresto dahil sa paglabag sa Section 37(a)(9) kaugnay ng Section 45(e) ng Philippine Immigration Act of 1940, as amended, at itinuturing na undesirable foreign nationals.

Matapos ang kanilang pagkakaaresto, dinala sila sa Iligan City Police Office para sa blotter at dokumentasyon bago isailalim sa inquest proceedings.

Muling nagbabala ang BI na ang mga dayuhan na magpapanggap bilang Pilipino o iligal na kukuha ng mga Philippine identification documents ay mahaharap sa pag-aresto, deportasyon, at permanenteng pagbabawal na muling makapasok sa bansa.