Suspek Kinilala ni P/Lt. Col. June Paolo Abrazado, commander ng MPD Ermita Police Station 5, ang suspek sa pagnanakaw ng cellphone mula sa isang Korean national sa Pedro Gil St., Malate, Manila. JONJON C. REYES

2 suspek sa pagnenok ng cellphone ng Koreano huli

Jon-jon Reyes Jul 13, 2026
33 Views

Suspek1ARESTADO ang dalawang lalaki na nang-agaw ng cellphone ng Korean national sa Pedro Gil corner L. Guerrero St., Malate, Manila ng mga elemento ng Manila Police District-Remedios police community precinct noong Linggo.

Nakilala ang mga naarestong suspek na sina alyas Jhon Micheal, 23; at Prince Kenneth, 43.

Nahaharap sa kasong paglabag sa anti-fencing law si Prince Kenneth na siyang bumili sa ninenok na cellphone.

Sa report kay Police Lieutenant Colonel June Paolo Abrazado bandang alas-2:30 ng hapon ng mangyari ang insidente sa nabangit na lugar.

Batay sa salaysay ng biktima, habang naglalakad siya bigla na lamang may motorsiklong sinasakyan ng dalawang hindi kilalang tao na sapilitang umagaw sa kanyang Samsung S26 Ultra.

Sinubukan pang habulin ng biktima ang mga suspek ngunit hindi na niya ito naabutan kaya nagtungo siya sa Remedios Police Community Precinct upang iulat ang insidente.

Kasunod nito, ang mga tauhan ng nasabing himpilan sa pamumuno ni P/Capt. Armando Penaflor, PSSg Vandolph Francisco, Pat John Lester Laxa, Pat Joemari Villanueva at Pat Jimwell Magpayo ay nagsagawa ng follow up operation mula sa kuha ng mga CCTV footage malapit sa lugar ng insidente.

Natukoy ang huling lokasyon ng nasabing gamit dahil sa nakabukas na GPS nito at dahilan upang magtungo ang mga pulis sa Zorra Building sa Brgy. Sa Paltok, Quezon City at doon naaresto ang unang suspek.

Bandang alas-5:00 ng hapon narekober ang NMAX na ginamit ng mga suspek sa pagtakas.

Inihayag ng unang suspek na ang kanyang kasama, si alyas Ramram, nakatakas at naibenta na ang cellphone mula sa ikalawang suspek na si Prince Kenneth.

Nagtungo ang mga tauhan ng Ermita Police Station 5 sa napagkasunduang lugar sa 7/11 sa Hermosa St., Tondo, Manila bandang alas-7:30 ng gabi at doon isinuko ng suspek ang Samsung S26 Ultra.