Shabu

200 gramo ng shabu nakuha sa 3 kabataan sa Taguig

Edd Reyes Aug 9, 2025
389 Views

TATLO, kabilang ang isang criminology student, ang nadakip ng pulisya makaraang makuhanan ng P1.3 milyong halaga ng shabu sa buy-bust noong Biyernes ng gabi sa Taguig City.

Isinagawa ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Acting Director P/BGen. Randy Arceo ang drug sting operation dakong alas-7:23 ng gabi sa loob ng isang hotel sa MLQ Road, Brgy. New Lower Bicutan kung saan naka-check in ang mga suspek.

Pinangunahan ni P/Maj. Cecilio Tomas, Jr, hepe ng District Intelligence Division (DID) ng SPD ,ang pagdakip kina alyas Jhon Carlo, 21; criminology student, alyas Tol, 21; alyas Arnold, 40.

Nang pasukin ng mga operatiba ang inokupang silid ng mga suspek na pawang mga bago sa listahan, nakumpiska sa kanila ang kabuuang 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,360 milyon markadong salapi, at mobile phone na gamit nila sa ilegal na transaksyon.

Pinasasampahan na ni BGen. Arceo ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nadakip sa Taguig City Prosecutor’s Office.