Suspek

Squad bosing ng grupo ng terorista laglag na

Edd Reyes Aug 9, 2025
281 Views

TIKLO ang pinaniniwalaang squad leader ng Communist Terrorist Group (CTG) na wanted sa iba’t-ibang mga kasong kriminal sa Eastern Samar at Palawan noong Sabado sa Caloocan City.

Dakong alas-7:00 ng umaga ng salakayin ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) acting director P/BGen. Jerry Protacio ang balwarte ng miyembro ng teroristang grupo sa Langit Road, Phase 7B, Brgy. 176 Bagong Silang.

Bitbit ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) ng NPD ang dalawang warrant of arrest para sa kasong murder at direct assault with attempted murder.

Naglaan ang korte ng piyansang P200,000 para sa kasong murder habang P72,000 naman sa kasong direct assault with attempted murder.

Lumabas sa rekord ng Crime Research and Analysis Section (CRAS) na nasangkot din ang akusado sa kasong attempted direct assault noong 2015 sa Eastern Samar at frustrated murder sa Palawan noong 2018,

Sinabi ni BGen. Protacio na mabibigat ang mga kasong kinasangkutan ng akusado na nagsisilbing banta sa kaligtasan ng publiko.