Pacquiao

2025 mid-term elections ay panahon pa lalong magkaisa

Mar Rodriguez Mar 30, 2025
36 Views

PARA kay Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao ang panahon ng 2025 mid-term elections ay hindi panahon para lalong mag-away-away ang mga mangkakatunggali sa politka kundi “magkaisa”.

Sabi ni Pacquiao na ang panahon ng eleksiyon ay hindi panahon upang lalong magpukulan ng “putik” ang mga magkakalaban. Sa halip ay dapat magkaisa ang lahat ng mga kandidato para magtulong-tulong na maibangon ang bansa mula sa krisis.

Pagbibigay diin ng dating Senador na ito rin ang tamang panahon para isa-isangtabi o kaya’y tuldukan na ang anomang hindi pagkaka-unawaan ng mga magkakatunggali bunsod ng magkakaibang paninindigan at paniniwalang pampolitika.

Paliwanag pa ni Pacquiao na iisa lang ang layunin ng lahat ng mga kumakandidato ngayong mid-term elections. Ito aniya ay ang tulungan makabangon ang bansa mula sa kasalukuyang krisis kasunod ng pagbibigay tulong sa mahihirap na mamamayan.

Dahil dito, ipinahayag ng tinaguriang “The People’s Champ” na walang dahilan upang mag-away-away ang mga magkakatunggali sapagkat iisa lamang aniya ang layunin o goal ng lahat ng mga kandidato.

Ayon sa kaniya, nagbibigay ng mensahe para sa lahat ng kandidato ang pagku-krus nila ng landas nina Senator Christoper “Bong” Go at TV Host Willie Revillame matapos magkasalubong ang kanilang mga motorcade sa Northern Caloocan.

Muling binigyang diin ni Pacquiao na iisa lamang ang ibig ipakahulugan ng pangyayaring ito na maaaring magkaisa ang mga magkakalaban sa politika sa kabila ng magkakaiba nilang paniniwala.

“As we face a national crisis. It’s time to set aside political differences and focus on what really matters,” sabi ni Pacquiao.

Dagdag pa ni Pacquiao na sa halip na magbatuhan ng putik ang mga magkakalaban. Mas makabubuti aniyang ituon na lamang nila ang kanilang atensiyon sa pagtutok sa mga pangunahing problema ng bansa.