Calendar
3 arestado sa ilegal na kalakalan ng petrolyo
ABUCAY, BATAAN–Inaresto ng mga awtoridad ang tatlong lalaki noong Huwebes dahil sa ilegal na kalakalan ng mga produktong petrolyo na nagkakahalaga ng mahigit P230,000 sa Brgy. Mabatang, Abucay, Bataan.
Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group-RFU3 chief P/Col. Grant Gollod, naaresto sa operasyon sina alyas Anjo, 22; Mesina, 53; at Felipe, 47.
Nahuli ang mga suspek sa aktong nagsasalin ng petroleum products mula sa isang tanker truck patungo sa mga hindi awtorisadong lalagyan.
Nasamsam ang buy-bust money, lalagyan ng 25 litro ng diesel, isang diesel pumping machine, isang binagong plastic funnel, dalawang hose, isang Isuzu Giga tanker truck (JAN 9222) at 18 drum na puno ng petroleum products.
Tinatayang nagkakahalaga ng P234,000 ang mga nakumpiskang produktong petrolyo.
Hindi nakapagpakita ang mga suspek ng permit o awtorisasyon mula sa Department of Energy upang mag-transport ng petroleum products.
Dinala ang mga suspek sa CIDG Bataan Provincial Field Unit at sasampahan ng kasong paglabag sa Section 2 ng Batas Pambansa Blg. 33.

