Shabu

Baril, shabu nasamsam sa 2 negosyante

276 Views

DALAWANG negosyante noong Martes ang nasakote ng mga awtoridad ng maaktuhang gumagamit ng ilegal na gamot sa Mango Grove, Brgy. San Roque, Sto. Tomas City, Batangas.

Kinilala ni Batangas police director P/Col. Marlon Rufo ang mga suspek na sina alyas Juan, 29; at Raul, 40.

Nahuli ang dalawa ng mga miyembro ng Sto. Tomas City police Station dahil sa tawag na may mga taong gumagamit ng ilegal na droga sa nabanggit na lugar.

Pagdating, naaktuhan ng mga operatiba ang mga suspek na sumisinghot ng ipinagbabawal na gamot.

Narekober sa kanila ang 2.9 na gramo ng shabu na may halagang P19,720, aluminum foil, shabu residue; disposable lighter at iba pang mga drug paraphernalia.

Nakakumpiska rin sa mga suspek ang isang cal .22 revolver, mga bala at cellphone.

Nakakulong sa Sto. Tomas City police ang dalawang suspek.