Kawayan Act na sumasaklaw sa school desks, reforestation aprub sa Senado

16 Views

KAWAYAN ang main raw material ng hindi bababa sa 25 porsyento ng school desks at armchairs na binibili ng Department of Education (DepEd) para sa mga pampublikong paaralan, hangga’t maaari, sa ilalim ng panukalang batas na ipinasa ng Senado sa huling pagbasa.

Sa botong 16-0 at walang abstention, inaprubahan ng Senado noong Oktubre 8 ang Senate Bill No. 2495 o ang Kawayan Act na inisponsor ni Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri.

Layon ng panukala na gawing institusyon ang Philippine Bamboo Industry Development Program para palakasin ang industriya ng kawayan at lumikha ng kabuhayan.

Oobligahin ng batas ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na gumamit ng kawayan sa hindi bababa sa 25 porsyento ng taunang reforestation at rehabilitation program nito.

Ilalaan din sa mga negosyong nakabatay sa kawayan ang 20 porsyento ng pondong pang-ayuda ng Department of Science and Technology (DOST) para sa small and medium enterprises.

Hihikayatin din ang paggamit ng muwebles at kagamitang gawa sa kawayan sa mga pasilidad ng pamahalaan kung maaari.

Bubuuin din ang Philippine Bamboo Industry Development Roadmap, ang 5 taong pambansang plano para sa pagpaparami, pagproseso, paggamit, pagbebenta at promosyon ng kawayan at mga produktong gawa rito.

Bubuuing muli ang Philippine Bamboo Industry Development Council para pangasiwaan ang roadmap na pamumunuan ng kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) at vice chairperson ang kalihim ng DENR.

Tutukuyin ng konseho ang mga lugar na pagtataniman ng kawayan at magbubukas ito ng financing at credit windows.

Ayon kay Zubiri, hindi na umuusad ang industriya ng kawayan sa bansa sa nakalipas na mga taon, at napag-iwanan na ang Pilipinas ng Vietnam at Indonesia sa pagsusulong ng kawayan bilang produkto sa Southeast Asia.

“There has been minimal government support for bamboo research and development over the years, which means that industry data has been lacking. And without complete, up-to-date figures, we cannot set growth targets nor quantify the support needed by local bamboo producers,” ani Zubiri.

Kailangan pang aprubahan ng Kamara ang panukala at lagdaan ng Pangulo bago maging ganap na batas.