Calendar
Larawan: PAGASA/FB
2 LPA binabantayan, bagyo nasa labas ng PAR
DALAWANG low pressure area (LPA) ang binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), habang isang bagyo naman ang nananatili sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa abiso nitong Sabado, Oktubre 10.
Bandang alas-8 ng umaga, namataan sa loob ng PAR ang LPA 10b, na may mababang posibilidad na maging tropical depression sa susunod na 24 oras. Samantala, ang LPA 10a na nasa labas ng PAR ay may katamtamang posibilidad na maging tropical depression sa kaparehong panahon.
Ayon sa PAGASA, namataan din sa labas ng PAR ang bagyong Koguma, na may lakas ng hangin na 155 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 190 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Samantala, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Visayas, Mindanao, Bicol Region, CALABARZON at MIMAROPA dahil sa LPA at Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Posible rin ang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Cagayan Valley, Aurora, Nueva Ecija at Bulacan dahil sa easterlies. Pinag-iingat ang publiko sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.

