Batangas

Mag-jowa tiklo sa Batangas; P1M shabu, boga kubra

98 Views

Palawan3KAMPO HENERAL MALVAR–Kalaboso noong Martes ng gabi, ang magkasintahang itinuturing na High-Value Individuals (HVIs) matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu at isang di-rehistradong baril sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Baybayin, Rosario, Batangas.

Kinilala ni Batangas Police Director PCOL Oliver Ebora ang mga suspek na sina alyas Aljon, 33, drayber, at ang ka-live-in nitong si alyas Apple, 34, pawang residente ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat, pinagtulungan ng Rosario Municipal Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang operasyon matapos umakto bilang poseur-buyer ang isang undercover agent para umabot sa transaksiyon ang mga suspek.

Nakuha mula sa poder ng mag-live-in ang dalawang malalaking knot-tied plastic bag at isang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng kabuuang 150.50 gramo na tinatayang aabot sa halagang P1,023,400 ang street value ng nakumpiskang droga.

Bukod sa shabu, narekober din sa operasyon ang isang cal. .38 Smith & Wesson revolver na may kargang anim na bala, marked money, at isang itim na body bag.

Isinagawa ang imbentaryo at pagmarka ng mga ebidensya sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng isang media representative at barangay official upang masunod ang Seksyon 21 ng RA 9165.

Kasalukuyang nakakulong ang dalawang suspek sa kustodiya ng Rosario MPS habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Possession of Firearms sa Tanggapan ng Piskal.