Volcano Source: Phivolcs

Mayon Volcano itinaas sa Alert Level 3 matapos ang pagsabog

37 Views

ITINAAS sa Alert Level 3 ang Mayon Volcano matapos ang pagsabog nito dakong alas-11:53 ng umaga Oktubre 30, na nagbuga ng makapal na abo hanggang 3,000 metro mula sa bunganga nito, ayon sa DOST-PHIVOLCS.

Ayon sa DOST-Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naganap ang pagsabog dakong alas-11:53 ng umaga, kung saan ang abo ay tinangay ng katamtamang lakas ng hangin patungong kanluran-timog-kanluran.

Inaasahang makakaranas ng ashfall ang Daraga, Guinobatan at mga karatig na bayan sa Albay.

Nagbabala ang PHIVOLCS sa posibilidad ng pagdaloy ng lava at pagragasa ng uson sa itaas hanggang gitnang bahagi ng Mayon Volcano sa mga susunod na araw hanggang linggo, kasunod ng panibagong ng aktibidad nito.

Dahil dito, inirekomenda ng ahensya ang agarang paglikas ng mga residente sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa panganib ng uson, lava flow, pagguho ng mga bato at iba pang hazard na dulot ng bulkan.

Pinayuhan din ang publiko na mag-ingat sa posibleng pagragasa ng lahar at daloy ng tubig na may dalang sediment sa mga sapa at daluyan ng tubig na nagmumula sa bulkan.

Pinag-iingat naman ang mga piloto laban sa paglipad malapit sa tuktok ng Mayon dahil maaaring makapinsala sa mga sasakyang panghimpapawid ang abo mula sa biglaang pagsabog.

Ayon sa PHIVOLCS, mas malaki ang posibilidad na maranasan ang ashfall sa katimugang bahagi ng bulkan batay sa kasalukuyang direksiyon ng hangin.

Patuloy namang binabantayan ng ahensya ang aktibidad ng Mayon at agad na ipaaalam sa mga kinauukulan ang anumang pagbabago sa sitwasyon.