Calendar
Larawan: Canlaon City Online/FB
Kanlaon sumabog ng katamtaman, mga residente pinagsusuot ng face mask
NAGKAROON ng katamtamang eksplosibong pagsabog ang Kanlaon Volcano nitong Sabado, Oktubre 10, na natapos bandang alas-12:48 ng tanghali, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Hinimok ng PHIVOLCS ang publiko na manatiling kalmado at alerto, at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na anunsyo ng mga awtoridad.
Samantala, nagpaalala rin ang lokal na pamahalaan ng Canlaon City sa mga residente na maghanda ng facemask upang maiwasan ang paglanghap ng abo na maaaring makapinsala sa kalusugan.
Pinayuhan din silang maghanda ng emergency kit na may tubig, pagkaing hindi madaling masira, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.
Kung ligtas ang kanilang kinaroroonan, pinapayuhan ang mga residente na manatili sa loob ng bahay at iwasan ang direktang pagkalantad sa abo. Mahalaga ring panatilihing may baterya ang mga cellphone upang manatiling konektado sa pamilya at makatanggap ng mahahalagang impormasyon.
Binigyang-diin din ng lokal na pamahalaan na dapat agad sundin ang anumang utos ng mga awtoridad na lumikas. Hinikayat ang publiko na manatiling maingat, magtulungan at umasa lamang sa mga opisyal na abiso para sa kanilang kaligtasan.

