Pugante

61 Pugante, Huli sa CALABARZON

19 Views

Pugante1KAMPO VICENTE LIM, Calamba City, Laguna — Umabot sa 61 pugante ang halos sabay-sabay na nasakote sa pinalakas na 24-oras na manhunt operation ng Police Regional Office 4A sa buong rehiyon.

Kabilang sa mga nadakip mula alas-6:00 ng umaga noong Oktubre 8 hanggang alas-5:59 ng umaga ng Oktubre 9 ang limang itinuturing na Regional-Level Most Wanted Persons (MWPs) na nagtatago sa Batangas, Laguna, at Quezon.

Bagsak sa kalaboso si alyas Ron matapos ikasa ng San Jose Municipal Police Station ang huli dahil sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga (RA 9165), at timbog rin si alyas Sheila ng Laguna sa kasong pagbebenta ng bawal na gamot (Section 5, RA 9165).

Nahuli rin ng mga awtoridad sina alyas Joel at alyas Allan para sa kinakaharap na mga kaso ng panggagahasa sa lungsod ng San Pedro.

Samantala, huli rin si alyas Mawin ng Quezon dahil sa pag-iingat ng ilegal na droga (Section 11, RA 9165).

Mensahe naman ni PRO 4A Regional Director PBGen Dominic L. Baccay, hindi sila titigil sa paghahabol sa mga kriminal para maibigay ang hustisya sa mga biktima.

“Patuloy naming paiigtingin ang pagtugis sa mga wanted persons upang maipatupad ang batas at maihatid ang hustisya. Hinihikayat din namin ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang impormasyon,” giit ni PBGen Baccay.

Kasalukuyan nang nakakulong sa kani-kanilang himpilan ang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon bago iharap sa hukuman.