DENR Source: DENR CENRO Calanasan via Philippine News Agency

Endangered ‘frog-faced’ turtle nasagip sa Apayao

148 Views

ISANG kritikal nang nanganganib na freshwater turtle ang kasalukuyang inaalagaan at nire-rehabilitate ng Department of Environment and Natural Resources matapos itong masagip sa Capanikkian, Pudtol sa Apayao noong Marso 12.

Kinilala ang hayop bilang Cantor’s giant softshell turtle, na kilala rin bilang frog-faced soft-shelled turtle. Ayon kay Dorothy Joy Cayaba, tumitimbang ito ng humigit-kumulang 10 kilo at may habang 47 sentimetro.

Ang nasabing pagong ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng CENRO Calanasan upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan nito bago ito maibalik sa natural na tirahan.

Base sa tala ng International Union for Conservation of Nature, kabilang ang Cantor’s giant softshell turtle sa mga endangered species dahil sa patuloy na pagbaba ng populasyon nito sa wild.

Ayon pa sa DENR, unang pagkakataon na naitala ang presensya ng ganitong uri ng pagong sa Apayao River matapos itong aksidenteng mahuli ng isang mangingisda sa mga tributary ng ilog.