Calendar
SOURCE: Larawan mula sa FB/PRO8
3 BIG-TIME DRUG SUSPECT TIMBOG; P14M SHABU NASAMSAM SA LEYTE, TACLOBAN
TATLONG hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Leyte at Tacloban City, kung saan mahigit P14 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam.
Sa operasyon nitong Lunes, Mayo 4 sa Palo, nasakote ang alyas “Jepoy,” 46-anyos at welder, na itinuturing na No. 1 sa Regional Priority Target List. Narekober mula sa kanya ang mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P6.9 milyon, kasama ang buy-bust money at iba pang ebidensya.
Kinabukasan, dalawa pang target ang nahulog sa buy-bust sa Tacloban—alyas “Jun,” 42-anyos na cargo driver at No. 2 sa priority target list, at alyas “Chad,” 31-anyos na delivery rider na tinukoy bilang high-value individual. Nakuha sa kanila ang mahigit isang kilo rin ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7.1 milyon.
Sa kabuuan, umabot sa P14,150,528 ang halaga ng nakumpiskang droga sa dalawang operasyon. Ayon sa Philippine National Police, maayos na naimbentaryo at namarkahan ang lahat ng ebidensya alinsunod sa batas, habang nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa kanila.
