BI Source: BI

3 dayuhan inireport na sangkot sa iligal online gambling, timbog sa Laguna

Jun I Legaspi Feb 16, 2025
27 Views

INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong dayuhan makaraang makatanggap ng ulat mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nag-uugnay sa kanila sa iligal na online gambling.

Bahagi ang operasyon ng pinaigting na kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban sa mga dayuhang nasasangkot sa mga ilegal na aktibidad sa bansa.

Iniulat ni BI intelligence division chief Fortunato Manahan Jr. ang pag-aresto sa tatlong Chinese nationals sa Brgy. Milagrosa, Calamba, Laguna matapos matanggap ang ulat mula sa PAOCC na sila ay nagsasagawa ng online gambling at nasasangkot din sa prostitusyon sa kanilang gusali.

Sa beripikasyon, natuklasan na ang dalawa sa mga suspek ay nasa bansa gamit ang tourist visa ngunit bigong magpakita ng balidong dokumento, habang ang ikatlo ay may working visa para sa isang kumpanyang nakabase sa Makati.

“The BI remains committed to strengthening border security and going after foreign nationals who abuse their stay in the country,” ani Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.

“This operation is a testament to our dedication to upholding immigration laws and supporting the government’s crackdown on organized crime,” dagdag niya.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Mananatili ang tatlong suspek sa pasilidad ng PAOCC sa Pasay City habang isinasagawa ang kanilang deportation proceedings.