Arestado

3 nagbebenta ng boga, tiklo

Bernard Galang Mar 14, 2026
241 Views

CAMP OLIVAS, San Fernando, Pampanga–Tatlong suspek sa bentahan ng baril na walang lisensya ang inaresto sa Brgy. Lepa, Malasiqui, Pangasinan noong Marso 11.

Ayon kay Police Regional Office (PRO)-3 director Brig. Gen. Jess Mendez, nahuli ang mga suspek habang nagbebenta ng hindi lisensyadong baril sa operasyon ng mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 3 (RMFB3).

Sinabi ng mga awtoridad na nabigo ang mga suspek na magpakita ng mga dokumento na nagpapatunay ng legal na pagmamay-ari ng mga baril kaya sila inaresto.

Nakumpiska sa operasyon ang isang M16A1 Colt rifle, isang Carbine M2 cal .30 rifle, isang caliber .380 Llama pistol at isang Remington 1911 pistol.

Narekober din ang ilang magazine at mga live ammunition.

Nakuha rin sa mga suspek ang 100 bala ng 9mm, boodle money at mga minarkahang totoong pera na ginamit sa operasyon.

“Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng aming tuloy-tuloy na kampanya laban sa paglaganap ng mga loose firearms na maaaring gamitin sa paggawa ng krimen alinsunod sa focused agenda ng Philippine National Police sa pamumuno ni Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.,” ani Mendez.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).