LPG SOURCE: Larawan mula sa FB/CIDG

3 timbog sa illegal na biyahe ng LPG, gasolina sa Romblon; halos P3.8M na karga nasabat

23 Views

ARESTADO ang tatlong lalaki matapos masakote sa umano’y iligal na transportasyon at distribusyon ng petroleum products at liquefied petroleum gas (LPG) sa karagatan ng Corcuera, Romblon sa ikinasang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong gabi ng Mayo 4 hanggang madaling-araw ng Mayo 5.

Pinangunahan ng CIDG Romblon Provincial Field Unit, kasama ang Regional Intelligence Division ng Philippine National Police MIMAROPA, Philippine Coast Guard Corcuera Substation at mga lokal na pulis, ang operasyon sa municipal waters ng Corcuera.

Nahuli ang mga suspek na kinilalang alyas “Mark,” “Lio,” at “Roger” habang sakay ng isang motorized banca at isang motorized “batil” na kargado ng 153 LPG cylinders at 145 lalagyan ng mga produktong petrolyo, kabilang ang unleaded gasoline. Tinatayang aabot sa ₱3.786 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang kargamento at sasakyang-pandagat.

Batay sa imbestigasyon, walang maipakitang License to Operate (LTO), permit, o anumang awtorisasyon mula sa Department of Energy (DOE) ang mga suspek para sa pagdadala at pagbebenta ng petroleum products at LPG. Wala rin umano silang pahintulot mula sa mga may-ari ng LPG brands para sa pagre-refill ng mga tangke, dahilan para ituring na ilegal ang kanilang operasyon.

Ayon sa CIDG, posibleng maharap sa kasong paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, Presidential Decree 1865, at Republic Act No. 11592 o LPG Industry Regulation Act ang mga naaresto, dahil mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang bentahan at distribusyon ng produktong petrolyo nang walang kaukulang lisensya at permit.

Sinabi naman ng CIDG na mahalaga ang ganitong operasyon upang mapigilan ang panganib na dulot ng hindi kontroladong paghawak at pagbibiyahe ng LPG at iba pang produktong petrolyo, lalo na sa kaligtasan ng publiko. Patuloy rin umano ang kanilang operasyon laban sa mga lumalabag sa batas, sa lupa man o sa karagatan.