Isko

300 trak ng basura nakukha sa Maynila sa loob lamang ng 10 oras

Edd Reyes Jul 1, 2025
403 Views

UMABOT sa halos 2,000 metriko toneladang basura ang nakolekta sa loob lang ng 10-oras matapos ang inilabas na utos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso bunga ng pagdedeklara ng krisis sa basura at public health emergency.

Ayon kay City Department of Public Service (DPS) chief Kenneth Amurao, ang 10-oras na nakolekta nilang basura ay katumbas na ng isang araw na basurang nakokolekta sa buong kapitolyo ng bansa.

Sinabi ni Amurao na tulong-tulong ang mga kawani ng DPS, Leonel Waste Management, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa paghahakot ng mga basura na sinimulan ng alas-2:00 ng hapon hanggang alas- 12:00 ng hatinggabi nitong Lunes, Hunyo 30.

Aminado si Amurao na marami pa aniyang trabaho ang dapat nilang gawin kaya’t tuloy-tuloy ang kanilang paghahakot ng basura hanggang sa maging normal na ang sitwasyon ng pangungulekta ng basura.

Aabot sa halos 300 trak ng basura ang kanilang nakolekta na isinakay sa malaking dump trucks, compactors, at ilan pang mga mas maliit na sasakyan sa mga lugar na halos ga-bundok na ang tambak na basura.

Sinabi ni Amurao na sa kabila ng ilang problemang kanilang haharapin, tulad ng masikip na daloy ng trapiko, mahabang pila sa tapunan ng basura, at madalas na pagbuhos ng ulan na nagpapabagal sa kanilang pangongolekta, handa pa rin sila at kanilang mga tauhan na gampanan ang trabaho, kasama ang Leonel Waste Management at MMDA hanggang dis-oras ng gabi para tuluyang maibalik sa normal ang koleksiyon ng basura.