Arestado

31-anyos dinampot sa paghalay ng menor de-edad

Edd Reyes Feb 2, 2026
177 Views

SINAKOTE ng pulisya ang 31-anyos na kelot na paulit-ulit na humalay sa menor de-edad na biktima nang matunton sa pinagtaguang lugar Lunes ng umaga sa Malabon City.

Hindi na nakapalag si alyas “Jonathan” na residente ng Gregory Homes sa Barangay Panghulo, nang dakpin ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng pulisya ng Malabon dakong alas-9:45 ng umaga sa tinutuluyang lugar sa Sanciangco Street, Brgy. Catmon.

Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director PBrig. Gen. Christopher Dela Cruz, kaagad nagsagawa ng pagtugis ang mga tauhan ni Malabon Police Chief PCol. Allan Umipig nang ilabas ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Catherine Therese M. Tagle-Salvador ang arrest warrant laban sa suspek noong Enero 22.

Ang arrest warrant ay para sa pitong bilang na kasong qualified rape of a minor at dalawang bilang na kasong acts of lasciviousness.

Ayon kay Dela Cruz, walang piyansang inirekomenda ang hukuman sa pitong bilang na kasong qualified rape laban sa akusado, habang may inilaang kabuuang piyansang P216,000 sa dalawang bilang na kasong acts of lasciviousness para sa pansamantalang paglaya nito.

Nakadetine sa custodial facility ng Malabon Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail.