Mollenido

Bagong suspek sa pagpatay kay PSMS Diane Mollenido, John Ysmael nakonsensya, sumuko

232 Views

SUMUKO na sa mga awtoridad ang ikaapat na suspek sa brutal na pagpaslang sa babaeng pulis na si PSMS Diane Marie Mollenido at sa kanyang 8-anyos na anak na si Ysmael.

Ayon sa pulisya, ang sumukong suspek ay kapatid ng isa sa mga naunang inaresto na may kaugnayan sa kaso. Ang babaeng suspek ay kasama sa pagbabalot ng mga bangkay at paglilinis sa crime scene.

“Hindi na po kasi kaya ng konsensiya ko,” pahayag ng suspek sa kanyang pagsuko.

Una nang naaresto ang dating car agent, asawa nitong dismissed na pulis at helper na itinuturing na mga suspek sa krimen.

Nasa kustodiya na rin ng pulisya ang dating asawa ni Diane na si Police Senior Master Sergeant John Mollenido, matapos ituro umano ng car dealer na may kaugnayan siya sa krimen.

Matatandaang noong Enero 29, natagpuan ang bangkay ng batang si John Ysmael sa isang taniman ng calamansi sa Victoria, Tarlac.

Nauna rito, noong Enero 24 ay natagpuan namang wala nang buhay si Diane sa isang sapa sa Pulilan, Bulacan, na may tama ng bala sa ulo.

Huli umanong nakitang magkasama ang mag-ina noong Enero 16 at opisyal na iniulat na nawawala noong Enero 19.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagtungo ang mag-ina sa Quezon City upang makipagkita sa isang car agent kaugnay ng bentahan ng sasakyan. Napag-alaman na ang naturang car agent ay inaanak ni Diane.

Pinasok ng mga awtoridad ang bahay ng car agent sa Quezon City — kung saan huling nakitang buhay ang pulis — sa bisa ng search warrant.

Doon ay nakakita ng mga bakas ng dugo, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa krimen.