Bomb1

Pasahero nag-bomb joke, di nakaalis papuntang Guam

Edd Reyes Feb 2, 2026
163 Views

BIGONG makaalis patungong Guam ang lalaking pasahero nang magbiro na may bomba ang dala niyang bagahe noong nakaraang Biyernes ng gabi, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.

Naghinala ang X-ray operator ng Office for Transportation Security (OTS) na may kahina-hinalang laman ang bagahe ng pasahero nang idaan sa baggage screening sa north ramp baggage inspection area, kaya hiniling na buksan ito batay sa umiiral na standard security protocols.

Matapos ang ginawang koordinasyon sa kaukulang airline, sisimulan na sana ng tauhan ng OTS ang pagsusuri sa bagahe nang pigilan ito ng pasahero sa pagsasabi ng katagang, “Huwag n’yo ’yan galawin, may bomba ’yan.”

Dito na iniulat ng OTS sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP Avsegroup) ang insidente na dahilan upang kumilos ang Explosive Ordnance Division (EOD) at Canine Unit para sa paneling operations, hanggang tuluyang ideklara na walang anumang uri ng pampasabog sa loob ng maleta.

Hindi naman naghain ng reklamo ang pangasiwaan ng airline, kaya inabisuhan na lang ang pasahero na makipag-ugnayan sa airline para sa rebooking arrangements.

“We strongly urge the public to be responsible and refrain from making bomb-related remarks. Any reference to bombs or threats, whether intended as a joke or not, is treated as a serious security concern and will be acted upon accordingly,” pahayag ni PBrig. Gen. Dionisio B. Bartolome Jr., director ng PNP Avsegroup.