4-anyos na magpinsan nakulong sa sirang kotse, dedo

Zaida Delos Reyes Apr 10, 2026
291 Views

PATAY ang dalawang bata matapos na makulong sa sirang sasakyan nitong Miyerkules sa Barretto, Olongapo City.

Ang mga biktima ay magpinsan at pawang mga 4-na taong gulang .

Ayon kay Police Major George Molina, commander ng Police Station 6 ng Olongapo City PNP, isa sa mga biktima ay residente sa lugar habang ang isa ay bakasyunista lamang at nakatira sa Subic.

Sa inisyal na ulat, naglalaro ang mga biktima kasama ang ilang mga pinsan sa lugar nang biglang tumakas ang dalawa at nagtungo sa sirang sasakyan.

Napasok umano ang mga bata sa sasakyan kung saan sila nakulong.

Ilang oras ang nakalipas nang mapansin ng mga kaanak ng mga biktima na nawawala ang mga ito kaya’t agad silang hinanap at natagpuan sa sirang sasakyan.

Kapwa nailabas ang mga biktima na walang malay mula sa sasakyan at isinugod sa pagamutan subalit isa sa kanila ang idineklarang dead or arrival habang nasawi naman kalaunan ang isa pa.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.