Victims

4 na biktima ng human trafficking sa KL, balik PH na

Jun I Legaspi Oct 30, 2025
231 Views

TINANGGAP ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang pagbabalik ng apat na Pilipinang biktima ng human trafficking noong Oktubre 22, matapos silang ilegal na makalabas ng bansa sa pamamagitan ng tinatawag na “backdoor” o di-regular na ruta.

Ibinunyag ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na ang mga biktima ay bumalik sa Pilipinas mula Kuala Lumpur, Malaysia sakay ng AirAsia flight, matapos silang maakit sa alok na trabaho bilang mga entertainer.

Ayon sa ulat, nakatakas ang mga babae mula sa kanilang employer at humingi ng tulong sa Embahada ng Pilipinas matapos silang piliting pumasok sa seksuwal na hanapbuhay.

Matapos ang kanilang pagtakas, agad na kumilos ang Migrant Workers Office (MWO) sa Malaysia upang ayusin ang kanilang mga dokumento para sa repatriation at magbigay ng kinakailangang legal na suporta.

Batay sa tala ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, wala ni isa sa apat na biktima ang may opisyal na rekord ng pag-alis sa bansa.

Ikinuwento ng mga biktima na sila ay lumabas ng Pilipinas sakay ng maliit na bangka mula Tawi-Tawi patungong Malaysia.

Sa masusing imbestigasyon, lumitaw na ang kanilang mga pasaporte ay may pekeng departure stamp mula sa Pilipinas na inilagay sa Malaysia. Mula roon, bumiyahe sila patungong Labuan kung saan sila nagtrabaho sa isang lokal na KTV bar sa loob ng dalawang linggo. Pagkatapos nito, sila ay inilipat sa Johor Bahru kung saan sila naabuso sa isang VIP spa area.

“Ito ang malungkot na realidad para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na walang sapat na dokumento — sila ay pinapaikot at pinipilit na tiisin ang mapagsamantalang kalagayan sa trabaho,” ani Viado.

Kinumpirma ng forensic examination ng BI Forensic Documents Laboratory na ang mga pasaporte ng mga biktima ay may pekeng departure stamp mula sa BI.

“Lubos ang aming pasasalamat sa mabilis at maagap na pagtugon ng MWO sa Malaysia, sa ilalim ng Department of Migrant Workers (DMW), sa proseso ng repatriation,” dagdag ni Viado.

Kumpirmado rin ng BI na ang mga pagkakakilanlan ng mga recruiter ay naipasa na sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) at isinangguni sa National Bureau of Investigation–International Airport Investigation Division (NBI-IAID) para sa mas malalim na imbestigasyon.

Muling nanawagan si Viado sa mas mahigpit na pagbabantay sa mga bay area ng mga lokal na pamahalaan at mga kaukulang ahensya. Aniya, kinakailangan ang isang whole-of-government approach upang matiyak na wala nang Pilipinong mabibiktima ng mga human trafficker.