Pic

4 na kaso ng hostage taking matagumpay na naresolba ng PNP

Alfred Dalizon Feb 20, 2025
21 Views

MATAGUMPAY na naresolba ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang apat na magkakahiwalay na insidente ng hostage-taking sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan ang mga hostages ay ganap na nailigtas at ang mga hostage-takers ay naaresto ng hindi gumamit ng baril at iba pang reasonable actions, sinabi ng Pambansang Pulisya kahapon.

Ang mga insidente, na naganap mula Enero 20 hanggang Pebrero 18, 2025 ay naitala sa Manila, Batangas, Rizal, at Digos City kung saan dahil sa mabilis na pagresponde ng pulisya, nasagip ang mga biktima at nahuli ang nasampahan ng kaukulang kaso ang mga sangkot.

Dahil dito ay pinuri ni PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang kanyang mga tauhan na nagpakita ng kanilang natatanging kakayahan para maligtas ang mga biktima ‘without shots being fired.’

“Ipinakita ng ating kapulisan ang kanilang dedikasyon at husay sa paghawak ng ganitong mga delikadong sitwasyon. Ang kaligtasan ng ating mamamayan ang aming pangunahing layunin, kaya patuloy nating paiigtingin ang ating mga estratehiya sa emergency response at pagpapatupad ng batas upang maiwasan ang ganitong mga insidente,” ayon sa PNP chief.

Isa sa pinaka-nakababahalang kaso ay ang nangyari sa Taytay, Rizal, kung saan isang taong gulang na bata ang ginawang hostage ng kanyang sariling ama gamit ang isang kutsilyo. Agad na inaresto ang suspek at sinampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act A9262 o Violence Against Women and their Children Act at illegal possession of deadly weapons ang akusado ng mga tauhan ng Rizal Police Provincial Office sa pamumuno ni Colonel Felipe B. Maraggun.

Sa Digos City naman, isang bata rin ang hinostage ng isang suspek na pwersahang pumasok sa kanilang bahay. Sa tulong ng mga residente, naaresto ang salarin at nasagip ang bata ng mga puilis bago pa man lumala ang sitwasyon.

Samantala, sa Manila at Batangas, naganap ang dalawang magkahiwalay na hostage crisis sa loob ng isang printing shop at isang mall. Dahil sa agarang aksyon ng kapulisan, nailigtas ang mga biktima at naaresto ang mga suspek na sinampahan ng kasong illegal detention at possession of deadly weapons.

“Ang mga insidenteng ito ay patunay ng dedikasyon at husay ng ating kapulisan sa crisis management. Tinitiyak namin sa publiko na patuloy ang pagbabantay ng PNP upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, handang kumilos agad laban sa anumang banta sa seguridad. Sa kabuuan, ang mga pangyayaring ito ay pawang mga isolated incidents at hindi sumasalamin sa pangkalahatang antas ng peace and order sa bansa., dahil hindi ito kagagawan ng organized crime o senyales ng isang lumalalang problema, ” sinabi ni Gen. Marbil.

Ayon sa Hepe ng Pambansang Pulisya, patuloy na pinapalakas ng PNP ang mga hakbang para sa kaligtasan ng publiko,alinsunod sa layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa bansa.

Buo rin ang suporta ng gobyerno sa mga programa na magpapalakas sa crime prevention, law enforcement, at emergency response efforts, dagdag niya.

Ayon sa PNP chief, malaking papel ang ginampanan ng social media sa crisis response at public awareness, dahil nagbibigay ito ng real-time updates, tumutulong sa pagko-coordinate ng emergency efforts, at nagpapakalat ng mahahalagang safety advisories.

Dahil dito, patuloy na hinihikayat ng PNP ang publiko na manatiling mapagmatyag at gamitin nang responsable ang online platforms—mag-report ng credible na impormasyon at iwasan ang pagpapakalat ng maling balita, sinabi ni PNP Public Information Office chief, Col. Randulf T. Tuaño.