Baboy Source: Department of Agriculture FB file photo

439 buhay, 1 patay na baboy papuntang Bulacan naharang

96 Views

APATNAPUNG baboy, kasama ang isang patay, ang hindi pinayagang maibyahe sa Bulacan noong Linggo galing sa Brgy. San Rafael, Sto.Tomas City, Batangas dahil walang maipakitang papeles na safe ang mga ito sa African Swine Fever (ASF).

Naharang ng Sto. Tomas police sa pangunguna ni P/Maj. Danilo Mendoza at Provincial Veterinary sa Star Tollway.

Naharang ang 39 na buhay at isang patay na baboy sa Animal Inspection checkpoint-Office of the Provincial Veterinarian pasado alas-6:00 ng umaga, ayon sa report.

Walang maipakitang kaukulang dokumento ang driver partikular na para sa ASF requirements katulad ng lisensya mula sa Land Transport Carrier Livestock Handler, Trader Pass, Veterinary Health Certification, Shipping Permit, ASF Certification, Animal inspection Certification (backyard) at Recognition of Active Surveillance (RAS), ayon sa mga pulis.

Ayon sa driver, inupahan siya ng kanyang kaibigan na si alyas Arnel para sa mag-deliver ng mga swine galing sa Libato, San Juan, Batangas papunta sa Bulacan.

Ayon sa mga pulis, pumasok sila sa Ibaan Toll gate ng Star tollway at nang papalapit na sila sa animal checkpoint sa Brgy. San Rafael, Sto. Tomas hindi sila tumitigil.

Hinabol ng mga pulis ang sasakyan at nang abutan, doon nakumpirma na wala silang mga dokumento para ibyahe ang mga baboy.

May halagang humigit-kumulang sa P6,000 bawat isa ang mga baboy kaya may kabuuang halaga na P240,000 ang 40 baboy.