Calendar
49th ASEAN Summit may libreng sakay sa jeep mula DOT, DOTr


MAGKATULONG ang Department of Tourism at Transportation sa paglulunsad ng libreng sakay sa jeep sa mga piling bahagi ng Metro Manila para sa ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Magbibigay ang inisyatibong ito ng mga tiyak na benepisyo sa mga komyuter at magsisilbi ring paraan upang itampok ang mga destinasyon sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, Vice Chair for Operations ng National Organizing Committee, na ang inisyatibong ito ay maglalapit sa ASEAN Summit sa mga Pilipino.
“Ang utos po ng ating Pangulo, ay ang chairship po ng Pilipinas hindi lamang dapat nakikita o napapanood sa mga balita. Dapat maramdaman ng bawat Pilipino ang konkretong benepisyong hatid nito.
Kaya naman patuloy kaming nakikipagtulungan nang malapit sa aming mga katuwang na ahensya ng gobyerno upang bumuo ng mga inisyatibong nagtatampok sa pinakamagagandang aspeto ng Pilipinas, habang lumilikha ng makabuluhang karanasan para sa ating mga bisita, delegado, at mga stakeholder,” pahayag ni Secretary Angara-Mathay.
Nagsimula ang libreng sakay noong Nobyembre 5 kasunod ng seremonyal na paglagda sa kasunduan sa pagitan ng tatlong panig.
Gagamit ng 30 modernong jeepney na bibiyahe hanggang Nobyembre 14 sa dalawang pangunahing ruta–mula SM Fairview hanggang Buendia (north route) at mula Sucat hanggang Baclaran (south route).
Mayroong 15 sasakyan sa bawat ruta.
Tatakbo ang mga ito mula alas-4:00 ng umaga hanggang alas- 10:00 ng gabi.
Ang north route ay magkakaroon ng walong biyahe (one-way trips), habang ang south route ay magkakaroon ng 10 biyahe.
Ang lahat ng jeepney ay pinalamutian ng mga imahe ng mga kilalang pasyalan, pagdiriwang at karanasang Pilipino.
Bukod sa paglilingkod sa humigit-kumulang 12,500 pasahero araw-araw, ang libreng sakay ay makatutulong sa mga drayber at manggagawa sa sektor ng transportasyon sa pamamagitan ng pagtitiyak ng kanilang kita habang ipinapatupad ang programa.
Binigyang-diin ni DOTr Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor ang kahalagahan ng pagtutulungan ng buong pamahalaan sa paglulunsad ng mga programang magbibigay-benepisyo sa mga Pilipino sa panahon ng pagho-host ng bansa sa ASEAN Summit.
“Ito ay patunay ng aming dedikasyon na makipagtulungan sa iba’t ibang ahensya, partikular na sa DOT na nangunguna sa inisyatibong ito,” pahayag ni Usec. Pastor sa ngalan ni DOTr Secretary Vince Dizon.
Mula Nobyembre 16-18, darating sa Pilipinas ang mga lider ng mundo at daan-daang dayuhang delegado para sa ika-49 na ASEAN Summit upang talakayin ang mga patakarang pang-ekonomiya, politikal at iba pang usaping internasyonal na mahalaga sa rehiyon.

