Shabu

5 drug suspek tiklo, P1M shabu nasamsam

Edd Reyes Aug 16, 2026
134 Views

KUMPIYANSA ang mga pulis na nakalansag sila ng drug den na sentro ng bentahan ng ilegal na droga at nasamsam ang mahigit P1 milyong halaga ng shabu sa buy-bust noong Linggo sa Taguig City.

Dakong alas-2:40 ng madaling araw ng salakayin ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang drug den sa Villa St., Brgy. Central Bicutan matapos makabili ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer sa 34-anyos na si alyas Jemai.

Ayon kay District Drug Enforcement Unit (DDEU) chief P/Maj. Cecilio Tomas Jr., naaresto rin nila sina alyas Mohaimen, 37; Moonderf John, 32; Mark Anthony, 41; at Erwin, 60, na tagapangasiwa umano ng ilegal na pasilidad.

Nasamsam sa mga suspek ang 160 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1,088,000, markadong salapi at mobile phone na gamit sa ilegal na transaksiyon.

Kakasuhan ang mga nahuli ng paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Taguig City Prosecutor’s Office.