Boga

Boga, droga, granada nasamsam sa mag-live in partner

Edd Reyes Aug 16, 2026
130 Views

NADAKIP ng pulisya ang 38-anyos na Chinese national at live-in partner niya dahil sa pag-iingat ng granada, baril at mga ilegal na droga noong Sabado sa Makati City.

Unang natuklasan ng Artemis Place admin sa Filmore St., Brgy. Palanan ang Mk2 fragmentation grenade sa Unit 403, isa sa dalawang units ni alyas Lin at live-in partner niya dakong alas-4:55 ng hapon kaya’t inireport ito sa pulisya.

Nang magresponde ang mga tauhan ni Southern Police District (SPD) P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nakuha ang granada, shabu at dalawang ecstasy.

Sinabi ni Makati police chief P/Col. Pedro Alagano, Jr. na itinuro rin ng general manager ng gusali ang Unit 306 na inupahan din ng dayuhan at nang puntahan ito ng mga pulis, dito nadakip ang maglive-in partner.

Nakuha sa unit rang kalibre .45 pistol, Swiss knife, shabu at glass tube na may bahid ng marijuana.

Mahaharap sa mga kasong Illegal Possession of Explosives, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Possession of Deadly Weapons ang dayuhan sa Makati City Prosecutor’s Office.