Chinese

Boga, droga, granada nasamsam sa Chinese, live-in partner

Edd Reyes Aug 16, 2026
110 Views

NADAKIP ng pulisya ang 38-anyos na Chinese national at live-in partner niya dahil sa pag-iingat ng granada, baril at mga ilegal na droga noong Sabado sa Makati City.

Unang natuklasan ng Artemis Place admin sa Filmore Street, Barangay Palanan, ang Mk2 fragmentation grenade sa Unit 403, isa sa dalawang units ni alyas “Lin” at live-in partner niya, dakong alas-4:55 ng hapon kaya ini-report ito sa pulisya.

Nang magresponde ang mga tauhan ni Southern Police District (SPD) P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nakuha ang granada, shabu at dalawang ecstasy.

Sinabi ni Makati police chief P/Col. Pedro Alagano Jr. na itinuro rin ng general manager ng gusali ang Unit 306 na inupahan din ng dayuhan at nang puntahan ito ng mga pulis, dito nadakip ang dayuhan at kanyang live-in partner.

Nakuha sa unit ang kalibre .45 pistol, Swiss knife, shabu at glass tube na may bahid ng marijuana.

Mahaharap sa mga kasong illegal possession of explosives, illegal possession of deadly weapons, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dayuhan sa Makati City Prosecutor’s Office.