Hinoldap lumaban; 1 sa 2 holdaper laglag

Edd Reyes Aug 16, 2026
131 Views

SUGATAN ang isa sa dalawang holdaper nang barilin ng negosyanteng biniktima nila noong Linggo sa Caloocan City.

Nabawi rin ng pulisya sa suspek ang tinangay na gold necklace at bracelet na nagkakahalaga ng P50,000, at kalibre .38 revolver, pero nakatakas ang kasabwat sa paggawa ng krimen.

Sa ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin, pauwi na ang negosyante alas-5:30 ng umaga nang harangin ng mga suspek sa tapat ng Bagong Silang public market.

Patakas na ang mga suspek matapos matangay ang alahas ng negosyante nang bunutin ng biktima ang kalibre .9mm pistol at pinaputukan ang 44-anyos na suspek, habang mabilis na nakatakas ang kanyang kasama.

Isinugod ng mga nagrespondeng tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili ang suspek sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital.

“Those who use firearms to threaten and rob innocent citizens will meet the full and unyielding force of the law,” pahayag ni Aberin.