Hapon tess Lardizabal Attachments4:33 PM (5 minutes ago) to Manuel, Tonight, me Source: Bureau of Immigration

5 Hapones nakorner sa Bulacan, 2 pa sa Ermita; hinihinalang miyembro ng JP Gang

Jun I Legaspi May 23, 2025
20 Views

NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang pitong Hapones na sinasabing mga pangunahing kasapi ng isang kilalang sindikatong kriminal sa Japan.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, naaresto ang mga suspek sa magkahiwalay na operasyon na isinagawa ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI noong Miyerkules sa San Jose del Monte, Bulacan at Ermita, Maynila.

Limang suspek ang nadakip sa isang residential area sa kahabaan ng Quirino Highway sa Bulacan. Kinilala ang mga ito na sina Hiraki Ishikawa, 45; Tsubasa Amano, 30; Sasaki Ken, 37; Akira Sambonchiku, 26; at Naoto Matsumoto, 35.

Samantala, sina Rintaro Yamane, 27, at Masato Morihiro, 37 ay naaresto naman sa loob ng isang condominium unit sa Adriatico Street, Ermita, Maynila.

Ang grupo ay kinilala ng mga awtoridad sa Japan bilang mga miyembro ng notoryus na ‘JP Dragon’ syndicate na sangkot sa malawakang panlilinlang sa kanilang bansa, partikular sa mga nakatatanda.

Batay sa ulat, modus ng grupo ang magpanggap bilang mga awtoridad upang makuha ang tiwala ng kanilang mga biktima at hingin ang kanilang mga ATM card at banking information. Gamit ang pananakot at pagpapanggap bilang mga pulis, napipilitang isuko ng mga biktima ang kanilang mga detalye sa bangko.

Ibinunyag ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na may mga warrant of arrest na inisyu laban sa anim sa kanila ng summary court sa Fukuoka, Japan noong Marso 5, kaugnay ng mga kasong pagnanakaw. Samantala, natuklasan na si Matsumoto ay overstaying alien sa bansa.

“Ang pagkakaaresto sa mga pangunahing personalidad ng JP Dragon group ay isang malaking tagumpay para sa ating pamahalaan,” ani Viado. “Tulad ng sinabi ng Pangulo, hindi tayo magiging kanlungan ng mga kriminal mula sa ibang bansa. Sa pagkakahuli sa mga ito, tuluyan na nating naputol ang kanilang operasyon sa Pilipinas.”

Nakikipag-ugnayan na ang BI sa mga awtoridad ng Japan para sa mabilisang deportation ng mga naarestong suspek.