PNP-Chief

5-MINUTONG TUGON NI TORRE, NAGBUNGA NG MABILIS NA PAGDAKIP SA METRO MANILA

Alfred Dalizon Jun 29, 2025
322 Views

SA utos ni Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas D. Torre II na tiyaking mabilis at epektibong serbisyo sa publiko sa pamamagitan ng ‘5-Minute Response Time’ na estratehiya, nagtala ng mga makabuluhang tagumpay ang mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagdakip sa mga kriminal sa Metro Manila, ayon sa Journal Group nitong Linggo.

Ayon kay NCRPO Director Major General Anthony A. Aberin, sa Quezon City, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Q.C. Police District sa isang 911 call noong Biyernes at sa loob lamang ng dalawang minuto ay naaresto ang tatlong lalaking nanloob sa isang construction site ng simbahan sa Barangay Bungad.

Bandang alas-7:05 ng umaga, isang distress call ang natanggap matapos mapansin ng mga kawani ng simbahan sa CCTV ang mga suspek na pilit na pumapasok sa lugar ng itinatayong gusali ng simbahan sa West Avenue at nagnanakaw ng mga copper tube mula sa air-conditioning system nito.

May tricycle na nakita sa lugar na nagsilbing getaway vehicle ng mga suspek.

Sa loob ng dalawang minuto, isang mobile unit ang naipadala at dumating sa lugar ng insidente sa ganap na alas-7:07 ng umaga—na nagpapatunay sa kakayahan ng NCRPO na magsagawa ng mabilis na deployment at koordinasyon, alinsunod sa layunin ni General Torre para sa isang mas episyenteng pulisya.

Sa tulong ng mga opisyal ng barangay, nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba ng QCPD sa ilalim ni Colonel Randy Glenn G. Silvio na nagresulta sa pagkaaresto ng tatlong suspek at pagkarekober sa kanilang getaway vehicle.

Sa Makati City naman, sinabi ni Maj. Gen. Aberin na naaresto ng mga lokal na pulis ang ilang lalaking nagtangkang magnakaw ng mga electrical cable sa ilalim ng Guadalupe footbridge. Nahuli ang mga ito matapos ang isang tip mula sa isang mamamayan at real-time monitoring ng Makati City Police Station.

Nahuli ang mga suspek habang kinakalas ang mga electrical component sa lugar. Narekober sa kanila ang mga pinutol na kable at iba’t ibang gamit sa krimen.

Ayon pa sa opisyal, pinaniniwalaang sila rin ang nasa likod ng naunang insidente ng pagnanakaw ng kable noong Hunyo 20 na nagdulot ng malaking pinsala sa Guadalupe at Estrella footbridges, tinatayang nasa mahigit ₱104,000.00 ang halaga ng nasira.

Mabilis na koordinasyon sa pagitan ng patrol at intelligence units ang naging susi upang mapigilan ang mga suspek bago pa sila makapanira ng mas malaki, dagdag ni Aberin.

Agad ding naaresto ng Makati Police ang dalawang Chinese national na sangkot sa isang pamamaril sa likurang parking area ng Makati Cinema Square sa Amorsolo Street, Barangay Pio del Pilar.

Ang dalawang banyaga ay akusado sa paulit-ulit na pamamaril sa isang 40-anyos na Pilipino na noon ay palabas ng lugar sakay ng Toyota Fortuner. Tinamaan ng maraming bala ang SUV subalit masuwerte at hindi nasaktan ang biktima.

Naaresto sa agarang tugon ng mga pulis ang mga Chinese na sina ‘Liquan,’ 44 taong gulang, at ang isang alyas ‘Xunjun,’ 36 taong gulang. Narekober sa kanila ang isang Glock .40 caliber pistol, isang HK MP5 9mm submachine gun, mga kutsilyo, martilyo, duct tape, dalawang cellphone, at isang itim na bag.

Isang green Toyota Vios na may iba’t ibang plaka rin ang nasamsam, na nagpapakita ng sinadyang pagtatago ng tunay na pagkakakilanlan ng sasakyan.

Ayon kay Southern Police District Director Brigadier General Randy Y. Arceo, apat na basyo ng bala ang narekober sa lugar ng insidente.

Sa Malabon City naman, naaresto ng lokal na pulisya ang isang suspek ng panghoholdap sa Barangay Potrero nitong Linggo ng madaling araw. Ayon kay Northern Police District Director Brig. Gen. Arnold E. Abad, ang 37-anyos na suspek ay nanutok ng kutsilyo sa isang binatang helper at ninakaw ang cellphone nito sa McArthur Highway kanto ng Inda Maria Street.

Kaagad na hinabol ng mga nakasaksi ang suspek at na-corner ito sa isang kalapit na basketball court. Tumawag agad sila sa pulisya na agad namang rumesponde at naaresto ang suspek, na narekoberan ng ninakaw na cellphone at isang 12-pulgadang patalim.