Martin4

5 rescuer na nasawi sa pananalasa ng bagyong Karding kinilala ng Kamara

182 Views

KINILALA ng Kamara de Representantes ang kabayanihang ng limang rescue personnel ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nasawi habang nasa isang rescue mission sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Karding kamakailan.

Pinagtibay ng Kamara ang House Resolution 421 na kumikilala sa natatangi dedikasyon sa trabaho nina Narciso Calayag Jr., Jerson Resurreccion, Marby Bartolome, George Agustin, at Troy Justin Agustin na ibinuwis ang kanilang buhay alang-alang sa iba.

Nakiramay si Speaker Martin G. Romualdez sa mga naulila sa pagkamatay ng mga rescuer.

“Lubos po tayong nakikiramay sa pamilya ng limang PDRRMO Rescue Personnel na pumanaw kahapon habang nasa gitna ng rescue operations sa San Miguel, Bulacan,” sabi ni Romualdez.

Nasa rescue mission ang mga biktima ng bagsakan ng gumuhong pader ang mga ito sa kasagsagan ng bagyong Karding noong Setyembre 25.

“Salamat sa inyong kabayanihan Narciso Calayag Jr., Jerson Resurreccion, Marby Bartolome, George Agustin, and Troy Justin Agustin. Today, we honor their lives and we will keep them in our prayers,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Ang resolusyon na pinagtibay ng Kamara ay akda nina Romualdez, House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan, senior Deputy Majority Leader and Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander A. Marcos, Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude A. Acidre.

Isinama sa HR 421 ang 13 pang panukala na kumikilala at nakikiramay sa pagpanaw ng mga rescuer.