Scam

6 LAGLAG SA LOVE, PERA SCAM HUB SA ZAMBOANGA SIBUGAY

Jon-jon Reyes Oct 8, 2026
230 Views

ISANG pinaniniwalaang scam hub na sangkot umano sa mga aktibidad na “love scam” at investment scam na target ang mga dayuhan ang nabuwag noong Oktubre 2 sa Alicia at Siay, Zamboanga Sibugay.

Nagresulta ang operasyon sa pag-aresto sa anim na Tsino na hinihinalang trafficker at team leader o manager at tatlong Pilipino na nahulihan na nahulihan din ng mga baril na walang lisensya.

Naitala ng Bureau of Immigration (BI) na 255 dayuhan, 129 sa Alicia at 126 sa Siay, ang sasailalim sa beripikasyon at pagtutugma sa mga opisyal na rekord.

Sa Alicia, 52 dayuhan ang natukoy na mga hinihinalang biktima ng trafficking, kasama ang isang babaeng Pilipino na biktima rin.

Isinagawa ang mga operasyon sa Brgy. Tandiong-Muslim, Alicia, at sa Casa de Coco Pension House sa Brgy. Kimos, Siay ng mga operatiba mula sa NBI-Organized and Transnational Crimes Division (NBI-OTCD), BI-Region IX, BI-Intelligence Division–Mindanao, DOJ-Regional Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-RIACAT)-Region IX, at Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO)-Zamboanga Sibugay katuwang ang mga kinauukulang lokal na pamahalaan at mga ahensyang nagpapatupad ng batas.

Nag-ugat ang operasyon sa impormasyong natanggap hinggil sa umano’y forced labor o involuntary servitude ng isang dayuhang organisadong grupong kriminal.

Ayon sa mga biktima, sila ay ni-recruit na may pangako ng lehitimong trabaho ngunit umano’y pinilit na magsagawa ng mga online scam, ikinulong, inalisan ng pasaporte at sahod, pinagbantaan at sinasaktan, at nagtatrabaho ng higit 16 na oras bawat araw.

Nagtala at nagsagawa rin ng imbentaryo ang mga grupo sa mga computer, mobile phone, at iba pang gamit na pinaghihinalaang ginamit sa mga nasabing krimen.

Sumailalim sa inquest proceedings sa Provincial Prosecutor’s Office ng Zamboanga Sibugay noong Oktubre 3, 2026, ang mga naarestong indibidwal, at kalaunan ay inilipat sa police station ng Alicia para sa pansamantalang kustodiya.