Isko1

Lungsod ng Maynila napanatili trilyon-pisong ekonomiya

Edd Reyes Oct 8, 2026
107 Views

NAPANATILI ng Lungsod ng Maynila ang trilyon-pisong ekonomiya noong 2025 nang ilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang Gross Domestic Product na P1.06 trilyon ng lungsod na pangatlo sa mga siyudad sa buong bansa, kasunod ng Quezon City at Makati City.

Inilabas ng PSA noong Oktubre 6 ang datus sa pagdiriwang ng National Statistics Month kung saan nakumpirma na ang Maynila ang dahilan ng 14.6 poryentong paglago ng ekonomiya sa buong National Capital Region.

Nakapagbahagi ang Maynila ng 77.4 porsiyento ng kabuuang GDP ng lungsod sa sektor ng paglilingkod, habang 22.6 porsiyento naman ang naibahagi sa sektor ng industriya.

Ang tatlo namang nangungunang may mataas na ibinahaging 22 porsiyento sa GDP ng lungsod ay ang kalakaran sa wholesale at retail, repair ng mga sasakyan at motorsiklo, 18% sa manufacturing at 15.4% sa public administration and defense, kabilang ang compulsory social security.

Nangunguna naman ang transportasyon at storage sa pinakamabilis na paglago sa lungsod na may 10.0 % growth rate, kasunod ang 9.4% na naibahagi ng kalusugan at social work activities, habang 6.4 naman sa edukasyon.

Ang mga resulta ay tugma sa patuloy na pamumuhunan ng administrasyon ni Mayor Isko Moreno Domagoso sa pangangalaga sa kalusugan at edukasyon sa ilalim ng kanyang MBN o ang Minimum Basic Needs.

“Para sa akin, hindi lang ito tungkol sa malaking numero. Ang paglago ng ekonomiya ay dapat may kasamang trabaho, negosyo, mas maayos na serbisyo at oportunidad para sa bawat Manileño,” sabi ni Mayor Isko.

“Kaya sa aking pagbabalik noong Hulyo 2025, nakatuon tayo sa ating Minimum Basic Needs—healthcare, education, housing at jobs. Patuloy po tayong mamumuhunan sa mga pangangailangang ito dahil ang tunay na pag-unlad ay kapag lumalakas ang ekonomiya at nararamdaman ito ng bawat Manileño,” dagdag pa ng alkalde.