Mister

Mister pinagbabaril habang tulog, katabi ni misis, dedo

Edd Reyes Oct 8, 2026
108 Views

DEDO ang isang mister nang pagbabarilin habang natutulog sa loob ng inuupahang silid, katabi ng kanyang misis, Huwebes ng madaling araw sa Pasay City.

Dakong alas-1 ng madaling araw nang pasukin ng nag-iisang salarin na nakasuot ng helmet ang maliit na tirahan ng mag-asawa sa isang eskinita sa Apelo Cruz St. Brgy, 157 bago kaagad na pinagbabaril ang biktima na nagresulta sa agarang pagkamatay.

Napag-alaman na nagising sa pagkakatulog ang misis ng biktima sa apat na putok ng baril at halos matulala sa pagkabigla nang makita ang duguan at wala ng buhay niyang mister habang mabilis na tumakas ang suspek patungong Apelo Cruz St.

Nagsasagawa na ng forward at back tracking sa mga kuha ng CCTV ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at agaran nitong pagkadakip, habang inaalam pa ang motibo sa pamamaslang.