64-anyos na lolo natagpuang patay, may tama ng baril sa loob ng kwarto

38 Views

NAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang pulisya kung may foul play sa pagkamatay ng 64-anyos na lolo na natagpuang patay at may tama ng baril sa ulo sa loob ng kaniyang tahanan sa Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PCpl Jordan Barbado, ng Quezon City Police District- Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nadiskubre ang bangkay ng LOLO dakong alas 10 ng gabi sa loob ng kanyang kuwarto sa Brgy. Santol, Quezon City.

Batay sa pahayag ng pamangkin ng biktima, pinuntahan niya ito upang pakainin subalit nagulat siya nang makitang duguan na ito at hawak ang isang baril.

Agad na dumating ang SOCO team ng QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni PMaj Joseph Infante kung saan nakuha sa crime scene ang isang Magnum .22 Caliber na kargado ng tatlong bala at isang fired cartridge case ng caliber 22.

Natagpuan din ni PSMS Geoffrey Singun ng DECU-QCPD ang isang M67 fragmentation hand grenade.

Lumilitaw sa cursory examination na nagtamo ng tama ng bala ng baril sa ulo ang biktima.