Sunog

650 katao naabo bahay sa sunog sa Pasay

Edd Reyes Nov 5, 2026
155 Views

Sunog1NAABO ang bahay ng halos 200 pamilya na binubuo ng mahigit 650 katao sa mahigit tatlong oras na lumalagablab na sunog na tumupok sa tinayang 25 kabahayan noong Miyerkules sa Pasay City.

Nagsimula ang sunog sa hindi pa batid na dahilan dakong alas-4:00 ng hapon sa Apelo Cruz St., Brgy. 157 Malibay.

Itinaas sa ikatlong alarma ang sunog bunga ng mabilis na pagkalat ng apoy sa mga kabahayan na karamihan ay gawa sa kahoy.

Nakatulong ang firewall ng LPG refilling station at ang pagbabantay ng mga bumbero upang hindi ito maabot ng malakas na lagablab ng apoy bago tuluyang maapula dakong alas-7:42 ng gabi.

Walang iniulat na nasawi o nasugatan sa sunog habang inaalam pa ang halaga ng natupok na mga ari-arian at ang pinagmulan ng apoy.

Nagtungo si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa evacuation center sa T. Paez Elementary School kung saan nanunuluyan ang 656 na indibidwal na naapektuhan ng sunog upang magdala ng pagkain.

Namahagi ng relief goods, tubig, beddings, toiletries, medical kits at iba pang personal na pangangailangan.