Baseco Iniharap ni PLt. Col. Rommel Anicete kay MPD Chief PBGen. Arnold Santiago ang mga suspek na may iba’t-ibang kaso matapos matimbog ng mga operatiba ng Baseco Police Station.13 sa Port Area, Baseco compound, Ermita, Manila.

6 lalaki tiklo sa dalang illegal na baril, explosives sa Port Area

Jon-jon Reyes Nov 5, 2026
137 Views

Baseco1NATIMBOG ng mga operatiba ng Baseco Police Station 13 ang anim na lalaki dahil sa pagdadala ng baril at explosives na walang mga kaukulang mga dokumento sa Block 1, Dubai, Baseco Compound, Brgy. 649, Port Area, Manila.

Unang naaresto si alyas Ronelio, 38, tubong Cauayan, Isabela at naninirahan sa Block 1 Dubai, Baseco Compound.

Nakumpiska nina PSSg Conrado R. Cuevas at Pat. Ron-Ron M. Pestaño sa suspek ang isang pen gun.

Nagsagawa ng operasyon ang Baseco Police Station na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek dahil sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Timbog din ang dalawang lalaki na nasa talaan ng most wanted persons na may iba’t-ibang kaso kaugnay ng pagdadala ng mga ipinagbabawal na baril at pampasabog sa Oplan Galugad sa Blk. 4, Habitat kanto ng main road, Baseco, Brgy. 649, Port Area, Maynila noong Miyerkules.

Naaresto sina alyas Darwin, 36, binata, welder; at Rodel, 22, binata, WIFI installer at residente ng Gawad Kalinga, Baseco, Brgy. 649, Port Area, Maynila.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rommel Anicete, bandang alas-2:10 ng madaling araw nang maaresto ng mga tauhan ng Delta PCP 4 ang mga suspek dahil sa paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearm and Ammunition).

Lumapit sa kanila ang isang lalaki upang mag-ulat tungkol sa mga kahina-hinalang lalaki na nasa loob ng isang hukay sa kanto ng Blk. 4, Habitat at Main Road, Baseco, Brgy. 649, Port Area, Maynila.

Pagdating sa lugar ng mga pulis, nakita nila ang mga suspek na umaahon mula sa mga hukay, habang ang isa sa kanila ay may hawak na pipe cutter.

Tinanong ng mga pulis ang mga suspek tungkol sa kanilang pagkakakilanlan at dahilan ng pamamalagi roon pero biglang nagtangkang tumakas pero napigilan nahuli ng mga nagpapatrolyang pulis.

Isinailalim sa frisking ang mga suspek at nakumpiska mula sa kanila ang isang pen gun na may bala ng kalibre 9mm.

Inihahanda na ang kaso laban sa mga suspek para sa paglabag sa RA 10591 (*Comprehensive Law on Firearm and Ammunition) at ihahain sa Manila City Prosecutor’s Office.

Bandang alas-4:45 ng umaga ng Miyerkules swak din sa selda ang dalawang kelot matapos matyempuhan sa Blk. 9, Tambakan kanto ng Blk. 1 Dubai, Baseco, Brgy. 649, Port Area, Maynila.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9516 (Explosives Crime Act) sina alyas Niño, 41, tubong Masbate, drayber ng pedicab; at alyas Ronald, 36, tubong Iligan City, binata, mangingisda.

Ang mga suspek ay inaresto nina PSSg Medel A. Biluan at Pat. Jeffrey B. Cruz ng Seawall PCP 2 dahil sa paglabag sa RA 9516 at RA 10591.

Nakumpiska sa mga suspek ang pen gun at isang pillbox.

Base sa report kay PLt. Col. Anicete, napansin ng mga pulis na biglang naglabas ng mga armas ang mga suspek sa gitna ng komprontasyon sa pagitan ng tatlong lalaki sa kanto ng Blk. 1 Dubai, Baseco, Brgy. 649, Port Area, Maynila.

Umalis ang mga nakaalitan ng mga suspek patungo sa isang kalapit na eskinita habang maingat na lumapit ang mga nagpapatrolyang pulis sa mga suspek na naging dahilan upang sila ay mahuli.

“Hindi namin kayo sasantuhin. Huwag n’yong pairalin ang pagiging kriminal sa area ko. Umalis kayo sa Baseco dahil hinding-hindi talaga kami hihinto sa paghahanap sa mga kriminal na katulad ninyo.”

Nagpasalamat ang hepe ng MPD Baseco PS 13 sa mga residente ng Brgy. 649 sa Port Area sa pakikipagtulungan sa kanila.